Hammerkop – Ambisyon

0
721

Ito ang siyam (9) ng Serye ng Halalan 2022/ Serye ng Eleksiyon 2022 – mga artikulong inilimbag sa White Butterfly bilang paghahanda sa halalan/eleksiyon sa Mayo 2022.

Ang buod na ito ay nanggaling sa kabanatang, HAMMERKOP – AMBITION, ng aklat ni Sr. Janice McLaughlin, OSTRICHES, DUNG BEETLES, AND OTHER SPIRITUAL MASTERS, inilathala ng Orbis Books, New York.

TERESITA TANSECO-CRUZ

Si Sister Janice Maclaughlin, ang walang pagod na aktibista at tagapagtanggol ng karapatang pantao, ay nanirahan sa Afrika ng matagal at nanindigan kasama ng mga biktima ng kawalan ng katarungan at pangaapi.

Mayroon si Sister Janice na malalim at nakatutuwang paghahambing ng mga gawi at ugali ng mga hayop sa Afrika sa mga gawi at ugali ng mga tao.

Ang ibon na tinatawag na “hammerkop” ay may bigat na mahigit sa isang libra lamang, ngunit ang pugad na ginagawa nito ay umaabot ng isang daang libra, na sa tingin ni Sr. Janice ay isang ambisyosong proyekto. Sa mga tao, ang maging ambisyoso ay malimit may kahulugang negatibo. (“Masyado ka namang ambisyoso!”)

Ngunit ang tinutukoy ni Sr. Janice ay ang “malusog” o positibong ambisyon kung saan nang-gagaling ang mga manlalaro ng Olympics o mga banyagang pintor o mga pyramid o Taj Majal. Ang positibong ambisyon din ang sumupil ng pang-aalipin at siya ding nagtulak kay Martin Luther King at Nelson Mandela na wastuhin ang mali sa kanilang mga lipunan.

Ipinaalala ni Sr. Janice ang sinabi ni Hesus mismo, na ang pananampalataya ay kayang pagalawin ang bundok. Kaya nating lagpasan ang mga dagok o sagabal o limitasyon kung tayo ay may pananampalataya. (Matthew 17:20)

Sa Resilience Program (REPRO) para sa mga kabataang nanganganib ( at-risk youth), mayroon kaming isang huwaran na nagbigay ng inspirason sa marami nang mga bata. Si Marlon ay dating batang lansangan. Ngayon siya ay may magandang trabaho, maligaya sa piling ng kaniyang asawa at anak, at nakatira sa kanilang komportableng tahanan.

Ilang beses bumalik si Marlon sa lansangan at madamdamin niyang hinikayat ang mga bata doon na “Matuto kayong mangarap!”

Ngunit bago sa lahat, si Marlon ay may inggit – magaling na inggit. Nung bata pa siya ng lansangan, pinagmamasdan niya ang mga batang lumalakad papuntang paaralan at sinasabi sa sarili: ” Bakit sila nagaaral, ako hindi ? Gusto ko din ‘yon!”

Kakabit ng mabuting inggit ni Marlon noon ay ang pangarap na makapagaral, mag trabaho, at balang araw ay makasama na rin siya sa buhay na hanggang pagmamasid na lang ang kaya niyang gawin, sapagkat hindi siya kasali, hindi siya pansin. Linagpasan siya ng buhay na ‘yon, araw araw.

Natupad ni Marlon ang kaniyang panaginip. Bata pa siya ngunit buo ang loob at determinado.Natuto siyang magtakda ng paisa-isang layunin, at subaybayan ang sarili bago harapin ang susunod na layunin, hanggang ang kaniyang “inggit”, hindi niya napansin, ay nagpalit na ng pangalan – “pagganyak.”

Nakakabuting Inggit. Panaginip na may Direksiyon. Isang buhay na natubos.

Sa palapit na halalan sa Mayo, 2022, itanong natin sa ating sarili: Ang isa bang yumayabong na Pilipinas o isang lipunan na mapag-alaga ay panaginip na puwedeng maabot? O sobra ba kung hingin natin ito? At bakit may ibang bansa na matino ang Pinuno? Tayo din!

Kaya nating magkaroon ng Pinunong matino. Umpisahan natin sa pagsusuring mabuti kung sino sa mga kandidato ang isang taong subok ang integridad, mapanampalataya, matapat ,malakas ang loob, patuloy ang pagsisilbi sa kapwa, at may puso at isipan na nakatutok sa kapakanan ng taong bayan. Ito ang mga matatag na katangian ng Pinuno na magtatawid sa atin sa panahon ng pagsubok at hamon.

Magmula ngayon hanggang Mayo 2022, kailangan nating ipaalam sa nakakarami na ang ating pangarap para sa Pilipinas ay maaaring matupad sa pamumuno ng ganitong tao, at magsama-sama tayo sa isang pinaka malaking Pangkat sa buong bansa para suportahan siya.

Kilala ang mga Pilipino bilang matatag – sumusulong at nagdadasal sa panahon ng kalamidad, ngumingiti sa gitna ng kahirapan, nagtutulungan dala ang diwa ng bayanihan, nagbabahagi kahit kaunti lang ang kakayanan.

Gamitin natin ang ating katatagan para bumangon at abutin ang kayang abutin. Huwag sana nating patuloy pagtiyagaan ang buong-layang pangaabuso sa atin ng mga arogante na may hawak sa kapangyarihan.

Buhayin ng puspusan ang ating “inggit” na nangangalang pagganyak.

Sa Mayo 2022, buo ang pananampalataya sa Panginoon, angkinin natin ang ating kapangyarihan na umpisahan ang pagtutupad ng ating pangarap.

Piliin natin ang Pinuno na magtatrabaho kasabay natin at magsisilbi sa atin patungo sa isang Pilipinas na may bagong buhay.

BANAL NA KASULATAN

Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: kung kayo’y mananalig sa Diyos at hindi mag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos na ito. Hindi lamang iyan, kung sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan, at tumalon ka sa dagat,’ mangyayari ang inyong sinabi. Anumang hingin ninyo sa panalangin ay tatanggapin ninyo kung nananalig kayo.” (Mateo 21: 21-22)

Noong ako’y nariyan, ako’y nanghihina at nanginginig sa takot. Sa aking pananalita at pangangaral ay hindi ko sinubukang hikayatin kayo sa pamamagitan ng mahuhusay na talumpati at karunungan ng tao. Subalit nangaral ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu upang ang inyong pananampalataya ay masandig sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao. (1 Mga Taga-Corinto 2:3-5)

Ganito ang kanyang sagot, “Ang pagpapala ko ay sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina.” Kaya’t buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang lalo kong madama ang kapangyarihan ni Cristo. Dahil kay Cristo, walang halaga sa akin kung ako ma’y mahina, kutyain, pahirapan, usigin at magtiis. Sapagkat kung kailan ako lalong mahina, saka naman ako nagiging malakas. (2 Mga Taga-Corinto 12:9-10)

PANALANGIN PARA SA HALALANG PAMPANGULO NG PILIPINAS SA 2022

Panginoong Hesus, nakikiusap po kami sa Inyo  nawa’y bigyan po Ninyo kami ng pagkakataong
makabangon sa aming lungkot at pagdurusa
sa panahon ng krisis na dala ng pandemya.

Pagkalooban po Ninyo kami sa darating na halalan,
ng isang pinunong mag-aalaga—hindi ng kanyang sarili—kundi ng mga dukha at nangangailangan;
isang pinunong may takot sa Diyos, at di sasailalim sa mga pulitikong sakim, magnanakaw, at hipokrito/mapanlinlang.

Iligtas po Ninyo ang aming bayang uhaw sa Iyong pagmamahal at katarungan.
Hiling namin ito sa pamamagitan ng tulong ni Maria, Inyong ina at amin din.
Amen.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here